Sinisiguro ni Mayor Cristy Angeles na nasusunod ang mga ipinatutupad na minimum health and safety protocols sa anumang pampublikong transaksyon sa Lungsod ng Tarlac.

Sa direktiba ni Mayor Cristy, Isang pulong ang inorganisa ni City Administrator Atty. Numer P. Lobo kasama sina PNP Tarlac City Chief PLTCOL Alex Apolonio at City Civil Registrar Armin Ibarra ngayong araw ng Lunes, ika-22 ng Marso, upang pag-usapan at isaayos ang registration procedure para sa national ID system na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Statistics Authority (PSA) at kasalukuyang ginaganap sa City Mall na matatagpuan sa Brgy. San Rafael.Tinatayang nasa 400 na mga registrants kada araw ang inaasahang magtutungo sa nabanggit na registration site kaya’t minabuting talakayin ang mga ipatutupad na safety protocols tulad ng mandatory wearing of face mask at face shield at pag-obserba ng tamang physical distancing upang hindi ito pagmulan ng pagkalat ng virus.

Ang pulong na ito ay nag-ugat sa dalawang magkasunod na inspeksyon ng Public Order & Safety Office (POSO) at batay sa kanilang obserbasyon sa registration site, kailangan ng mas maigting na pagsunod at pagpapatupad ng physical distancing policy sa nasabing lugar.

Nilahukan ang pulong ni Ms. Bernadette Joy Ular, Supervising Statistical Specialist ng PSA Tarlac at nila Mr. Jericho Quejada, Mall Supervisor at Mr. Jade Dizon, Marketing Assistant ng City Mall.

Categories: News

0 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *