1,870 BENEPISARYO, TUMANGGAP NG CASH-FOR-WORK ASSISTANCE

TARLAC CITY [CIO]- 1,870 benepisaryo mula sa ibat-ibang barangay ng lungsod ang tumanggap ng kabuuang P5.1 million sa cash-for-work assistance na isinusulong ni Mayor Cristy Angeles sa tulong ng Department of Social Welfare and Development.

Nitong Mayo 7 at 8, 2018, tumanggap ng P2,700 bawat isa ang mga benepisaryo kapalit ng kanilang paglilinis sa mga daluyan ng tubig at mga kalsada sa kani-kanilang mga barangay.

“Malaking tulong sa ating mga barangay ang programang ito. Sa ganitong paraan ay napapanatili nating malinis ang ating mga komunidad. Makakatulong din ito para magkaroon ng dagdag na pinagkakakitaan ang ating mga kabababayan, lalo na ang mga mahihirap,” paliwanag ni Mayor Cristy.

Ayon kay CSWDO OIC Jimbo Soriano, ang 26 na barangay na saklaw ng programa ay nasa mga ilog, irigasyon at mga lugar madalas na binabaha. Karamihan sa mga benepisaryo ay mga miembro ng 4Ps na tumatanggap din ng tulong pangkalusugan at pag-aaral ng kanilang mga anak.

Nitong Mayo 9, 2018, 444 4Ps beneficiaries ang tumanggap ng kanilang financial assistance na nagkakahalaga ng P2,400 sa ilalim ng unconditional cash transfer program. Ang mga tumanggap ng tulong ay iyon lamang wala pang ATM cards.