SCHOOL BOARD ALLOWANCE, TINANGGAP NG MGA GURO

TARLAC CITY [CIO]—Tuloy-tuloy ang pagtupad ni Mayor Cristy Angeles sa kanyang pangako sa mahigit 2,400 na guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod na ibigay ang kanilang quarterly local school board allowance na ipinagkait ng nagdaang administrasyon.

“Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng ating mga guro para sa kinabukasan ng mga kabataan kaya nararapat lamang na ibigay sa kanila ang lahat ng makakayang tulong at suporta,” paliwanag ng butihing Ina ng Lungsod.

Nitong Mayo 9, nagsimulang ipamahagi sa mga guro ang kanilang quarterly allowance na dinagdagan pa ni Mayor Cristy mula P500 tungong P750 kadabuwan.

Sa kabuuan, P2,250 ang tinatanggap ng mga guro kada kwarto o tuwing tatlong buwan. Humigit-kumulang P5.4 million ang nakalaan para sa mga guro bawat kwarto.
.
Hanggang Mayo 11, Biernes, ang pamamahagi ng teachers’ allowance sa Bulwagan ng Pamahalaang Lungsod at paglampas ng petsang ito ay may isang linggo pa o hanggang Mayo 18, para makuha ng mga guro ang kanilang allowance sa City Treasurer’s Office.

Sinimulan ng ibigay ni Mayor Cristy ang school board allowance nitong Hunyo 2017 matapos maisaayos ang budget at mag mula noon ay natatanggap na ng mga guro ang benepisyo.

Ang pamamahagi ng allowance ay sa pangangasiwa ng mga kawani ng City Treasurer’s Office.